PAGHAHANDA | PRRD, pagpupulungin ang kanyang gabinete ngayong araw

49

Manila, Philippines – Inaasahang pupulungin din ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ahensyang kasapi ng NDRRMC ngayong araw hinggil sa inaasahang pagtama sa bansa ng super typhoon Mangkhut bukas (September 12).

Sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, mayroong naka-schedule na cabinet meeting mamaya si Pangulong Duterte sa Malacañang at tiyak na mapag-uusapan ang pagpasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ng malakas na bagyo.

Inaasahan na rin aniya na magbibigay ng direktiba ang Pangulo sa mga concerned cabinet secretary para sa mga dapat na ipatupad na hakbang bilang paghahanda sa paparating na kalamidad at sa mga ibibigay na ayuda sa mga posibleng maapektuhan nito.

Samantala, pinag-iingat ng palasyo ang publiko sa paparating na malakas na bagyo.

Aniya, ngayon pa lamang ay dapat nang maging handa ang publiko sa posibleng pananalasa ng super typhoon Mangkhut.

Mas mabuti na aniyang maging handa ngayon kaysa naman saka pa lamang magliligpit ng gamit kung kailan nariyan na ang malakas na bagyo.

Dagdag pa ng kalihim, hindi nila mako-kontrol ang anumang magiging aberya pero mababawasan naman ang danyos kung makikipagtulungan ang bawat isa.

Facebook Comments