Pagiging epektibo ng MECQ sa gitna ng napakataas na COVID-19 cases, pinangangambahan ng isang kongresista

66

Nagpahayag ng pangamba si Marikina Rep. Stella Quimbo sa pagiging epektibo ng pagsasailalim sa National Capital Region sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Ayon kay Quimbo, bagama’t noong Agosto ng nakaraang taon ay naging epektibo ang ipinatupad na MECQ para makontrol at mapababa ang mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, nababahala ang kongresista kung ganito rin ang epekto ng MECQ ngayong pumapalo sa 10,000 hanggang 15,000 kaso ng COVID-19 ang naitatala araw-araw.


Aniya, sakali mang magiging pareho ang epekto ng MECQ noon sa MECQ ngayon, posibleng bumaba sa 40% o 6,000 hanggang 9,000 na lamang ang COVID-19 cases na maitatala.

Pero masyado pa rin itong malaki kumpara sa 4,000 na kaso noong ipinatupad ang 2020 MECQ at bumaba pa sa 2,500 hanggang 3,900 ang mga kaso matapos ang ikatlong linggo ng mahigpit na community quarantine.

Dahil dito, muling inirekomenda ni Quimbo ang mas ‘responsive plan’ at mas ‘targeted approach’ tulad ng implementasyon ng “household lockdown”.

Sa ilalim ng household lockdown, tanging ang bahay lamang na apektado o may kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang isasara habang hindi naman apektado ang buong komunidad at patuloy pa rin ang trabaho at pag-usad ng ekonomiya.



Mas mainam din aniya ito dahil limitado ang resources ng mga Local Government Unit at matitiyak pa na maibibigay ang ayuda at pangangailangan ng mga nakatira sa bahay na naka-lockdown.


Pinatitiyak din ni Quimbo na epektibo ang vaccine roll-out kung saan hindi dapat ito ma-delay ng dating sa bansa at ligtas itong maibibigay sa publiko.

Facebook Comments