
Walang magiging epekto sa proseso ng pagbibigay ng amnestiya at reintegration program ng National Amnesty Commission (NAC) ang naging desisyon ng Korte Suprema na suspendihin muna ang BARMM Elections sa October 13.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni NAC Chief Atty. Leah Armamento magtutuloy-tuloy ang naturang programa para sa peace process dahil ang suspensyon BARMM elections ay politikal na usapin.
Wala ring epekto ang isyu ng korapsyon dahil ang karamihan sa concerns ng mga dating rebelde ay tungkol sa kanilang seguridad.
Ngayong hapon ay nagpulong ang Executive Committee ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at isa sa rekomendasyon ay palawigin ang pagtatapos ng amnesty program mula Marso 13, 2026 hanggang Marso 13, 2028.
Ayon kay Undersecretary Ernesto Torres Jr., nakabinbin pa ang pag-apruba nito habang hinihintay ang pagsusuri ng Office of the President.
Sabi ni Armamento, ang mungkahing pagpapalawig ay layong bigyan ng mas mahabang panahon upang ma-proseso ang iba pang posibleng aplikante, bukod pa sa 4,269 na aplikasyong naitala hanggang Setyembre 19, 2025.









