
Hiniling ni Senator JV Ejercito sa mga senador na nagnanais na maging Senate President sa 20th Congress na manaig pa rin ang pagkakaisa.
Kaugnay na rin ito sa tanong kung dapat na lang bang magkaroon ng gentleman’s agreement sina Senate President Francis Escudero at Senator-elect Tito Sotto na parehong nagnanais maluklok na Senate President sa susunod na Kongreso at magkasama rin sa iisang partido na Nationalist People’s Coalition (NPC).
Inamin ni Ejercito na torn o hati siya kina Escudero at Sotto dahil pareho niyang kapartido ang dalawa.
Pero sa ngayon ay wala pa namang instructions na ibinababa ang kanilang partido patungkol sa kung sino ang susuportahan sa dalawa lalo’t hirap din sila ukol dito.
Pabiro na lamang din na sinabi ni Ejercito na para hindi siya mahirapan sa dalawa ay tatakbo na lang siyang Senate President.
Gayunman, magiging batayan naman ng senador sa pagpili ng Senate President ay yung lider na kayang pakilusin ang mga senador sa lahat ng hamon.