
Bahagi umano ng planong pabagsakin si Vice President Sara Duterte ang pagkakatalaga kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla bilang bagong Ombudsman.
Tanong tuloy ni Senator Imee Marcos sa kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos ay kung ayos lang ba ito at kung tiyak na ba siyang si Boying ang kanyang iuupong Ombudsman.
Ayon kay Sen. Marcos, noong nakaraang taon pa niya sinasabi ang mga plano laban kay VP Sara —una ang Plan A na People’s Initiative, ang Plan B na Impeachment laban sa bise presidente, at ang Plan C na pagtatalaga kay Remulla sa Ombudsman.
Ang mga nauna aniyang Plan A at Plan B ay palpak kaya ngayon naman ay susubukan ang Plan C.
Sinabi ni Sen. Imee na sa ngayon ay iniisip niya ang kaligtasan ng buhay ng bise presidente.
Iginiit pa ng senadora na ang kailangan ng bansa ngayon ay isang matatawag na “People’s Ombudsman” na kapani-paniwala, katiwa-tiwala, at hindi kasabwat ng kahit na sino.









