Pagkakatalaga kay Valenzuela City Rep. Rex Gatchalian sa DSWD, ikinalugod ng mga senador

Courtesy: REX Gatchalian Facebook Page

Ikinalugod ng mga senador ang pagkakatalaga ni Pangulong Bongbong Marcos kay Valenzuela 1st District Cong. Rex Gatchalian bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay Senate President Pro Tempore Loren Legarda, tiyak na epektibong DSWD Secretary si Gatchalian dahil nalalaman nito ang mga pangangailangan ng Local Government Units (LGUs) bukod pa sa napatunayan ang pagiging masigasig nitong public servant sa maraming taon.

Sinabi naman ni Senator Grace Poe na maswerte silang makakatrabaho si Sec. Gatchalian at mismong sila ay nakita ang pagiging sinsero, maaasahan, at committed nito bilang public servant.


Mayroon aniyang puso para sa mga mahihirap at masidhing pagnanais na mabago ang buhay ng mga kababayan.

“Good choice” naman si Gatchalian sa DSWD para kay Senator Nancy Binay dahil beterano at pamilyar na ito sa lawak ng karanasan sa pagsisilbi sa mga disadvantaged sector at grassroots level.

Naniniwala naman sina Senators Sonny Angara at JV Ejercito na mahusay ang magagawa ni Gatchalian bilang DSWD secretary.

Facebook Comments