Wednesday, June 10, 2026

Pagkamatay ng dalawang Ateneo Student-Athletes, pinapa-imbestigahan sa NBI

Nanawagan si Manila 3rd District Representative Joel Chua sa National Bureau of Investigation o NBI na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa pagkasawi ng student-athletes ng Ateneo De Manila University na sina Divine Adili at Rene Clert Baterbonia matapos malunod sa team-building Activity sa Aurora.

Giit ni Chua, may kakayahan ang NBI na magsagawa ng buong forensic investigation upang matukoy ang totoong naging takbo ng mga pangyayari, sino ang nagdesisyon, ano ang aktibidad na isinagawa, may ipinatupad bang safety measures at nasunod ba ang kaukulang protocols.

Ayon kay Chua, kailangang silipin ang lahat ng angulo sa insidete at dapat makipagtulungan dito ang mga organizers at mga individual na responsable sa training camp.

Diin ni Chua, marapat mabigyan agad ng hustisya ang pamilya ng mga biktima at daan din ito upang magkaroon ng peace of mind o kapanatagan ang mga magulang na ang anak ay lumalahok sa mga athletic camps at training programs sa iba’t ibang panig ng bansa.

Katwiran ni Chua, ipinagkakatiwala ng mga magulang ang kanilang mga anak sa kanilang mga coach, sa paaralan at sa training camp dahil sa tiwala na makakauwi ang kanilang mga anak ng ligtas, mas malakas o mahusay at handa sa kompetisyon kaya dapat matiyak na hindi na mauulit ang sinapit nina Rene at Divine.

Facebook Comments