
Pinapa-imbestigahan ni Pinoy Workers Party-List Rep. Karl Fernandez Legazpi sa House Committee on Youth and Sports Development ang pagkamatay ng dalawang student-athletes ng Ateneo de Manila University (ADMU) matapos malunod sa isang team-building activity sa Aurora.
Target ng pagdinig na isinusulong ni Legazpi na mabusisi ang umiiral na polisiya, pamantayang pangkaligtasan, at mekanismo ng pananagutan kaugnay sa mga athletic programs na ipinapatuapd ng iba’t ibang mga paaralan.
Layunin ng imbestigahan na mapalakas ang proteksyon sa mga atletang estudyante upang matiyak na hindi mauulit ang masaklap na sinapit nina Adili at Baterbonia.
Bilang dating commissioner ng National Youth Commission, ay iginiit ni Legazpi na dapat iprayoridad sa mga sports programs ang kapakanan, kaligtasan at proteksyon ng ating mga atleta kasabay ng pagpapahusay sa kanilang galing o kakayahan.
Bukod sa pakikiramay ay tiniyak naman ni Quezon City 3rd District Franz Pumaren ang pagkakaloob ng tulong sa pamilya nina Rene at Divine.
Bilang dating student athlete at coach ng University Athletic Association of the Philippines ay umaasa si Pumaren na mananatiling inspirasyon sa mga kabataang atleta ang galing, karakter at serbisyon nina Rene at Divine.










