Pagkuha kina presumptive Congressmen Atty. Chel Diokno at Atty. Leila de Lima sa prosecution team, dagdag abilidad para sa Kamara

Naniniwala si Senate President Chiz Escudero na makadaragdag sa kakayahan ng prosecution team ang pagpasok nina Party-list Congressmen-presumptive Atty. Chel Diokno at Atty. Leila de Lima oras na magsimula ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Escudero, parehong practitioners ang dalawang bagong kongresista kung saan si Diokno ay isang human rights lawyer habang si De Lima naman ay isang election lawyer bago naging Kalihim ng Department of Justice (DOJ) at senadora.

Kaya naman, sa tingin ng mambabatas makadaragdag talaga sa abilidad ng prosekusyon sa pagprisinta ng kaso laban kay VP Duterte ang pagpasok sa prosecution team nina Diokno at De Lima.

Iginiit naman ni Escudero na labas na ang Senado sa kung sinong abogado o prosecutor ang pipiliin ng Kamara na kumatawan sa kanila sa impeachment court.

Hindi rin aniya panghihimasukan ng impeachment court ang pagpili ng mga defense lawyers ni VP Duterte na magtatanggol sa kanya sa paglilitis.

Facebook Comments