Paglalagay sa Basilan sa ilalim ng Comelec control, pinag-aaralan pa matapos ang engkwentro kahapon

Pag-aaralan pa ng Commission on Elections (COMELEC) ang posibilidad na isailalim sa kanilang kontrol ang bayan ng Sumisip, Basilan.

Ito ay kasunod ng nangyaring engkwentro kahapon sa pagitan ng militar at MILF na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang sundalo at nag-iwan ng 12 sugatan.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, bagama’t hindi maituturing na may kaugnayan sa halalan ay pinag-aaralan nila ang mga hakbang para matiyak ang seguridad sa nalalapit na halalan.


Halimbawa na aniya ang pag-rebyu sa mga lugar na nasa areas of concern dahil sa mga kaguluhan.

Sa paunang listahan ng poll body, nasa 32 na lugar ang nasa ilalim ng red category.

Ito ang mga lugar na mayroong seryosong armed threats at may naitala na rin noon na election related incidents.

Facebook Comments