Paglikha ng isang back- up government center sa labas ng Metro Manila, ipinag-utos ni Pangulong Duterte

45

Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang paglikha ng isang National Government Administrative Center (NGAC) sa labas ng National Capital Region (NCR) o sa New Clark City, Capas, Tarlac.

Sa inilabas na Executive Order (EO) number 119 ng Malacañang, binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangan na magkaroon ng isang Integrated Government Center sa labas ng NCR na magsisilbing back -up Administrative Hub na gagamitin bilang Disaster Recovery Center.


Gusto ng Pangulo na maging tuloy-tuloy lamang ang serbisyo ng gobyerno sa panahong may pagtama ng iba’t-ibang kalamidad sa bansa, kung saan ang Malacañang na siyang seat of national government ay kasalukuyang matatagpuan sa isang lugar na lantad din sa banta ng lindol na maaaring magdulot ng paggalaw ng West at East Valley Faults.

Nakasaad sa EO na ang paglikha ng isang back-up government center ay isa ring pagkakataon para matugunan ang matagal nang isyu ng kakulangan ng sustainable employment opportunities sa labas ng Metro Manila, hindi balanseng pag-unlad sa mga rehiyon at hindi patas na distribusyon ng yaman ng bansa.

Dahil dito, ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa lahat ng departamento, kagawaran at mga tanggapan ng iba’t-ibang ahensiya sa ilalim ng Ehekutibo na magtatag ng kani-kanilang satellite o field offices sa NGAC para rito makapag -operate, sakaling maging paralisado ang operasyon ng gobyerno sa NCR.

Facebook Comments