
Iginiit ni Senator JV Ejercito na dapat lamang matuloy ang paglilitis ng Senado sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Paliwanag ni Ejercito, pabor man siya o hindi sa impeachment ay balewala ang anumang posisyon dahil responsibilidad nila sa Senado na mag-convene bilang impeachment court at dinggin na ang kaso.
Tiwala ang senador na matutuloy ang paglilitis dahil ito naman ang nasa Konstitusyon at kapag nasimulan na ay umaasa siyang makababalik agad sa normal ang Senado.
Tuloy rin aniya ang paghahanda ng Senado para sa impeachment at sa usapin kung ito ay matutuloy sa 20th Congress, ito ay dedesisyunan pa rin ng susunod na Kongreso dahil supreme o pinakamataas na maituturing ang plenaryo.
Pagdating naman sa isyu ng umiikot na draft ng resolusyon na nagpapabasura sa impeachment case ni VP Sara, sinabi ni Ejercito na hindi na dapat sila nagsasalita tungkol sa impeachment dahil sila ang tatayong senator judge at para maiwasan na makita ng publiko na mayroon silang bias.