Paglimita sa oras ng trabaho ng mga guro, itinutulak sa Kamara

1129

Isinusulong ni Albay Representative Joey Salceda ang paglilimita sa oras ng pagtatrabaho ng mga public school teachers sa bansa.

Sa House Bill 6231 o Teacher Empowerment Act, nakasaad dito na gawing walong oras na lamang ang administrative functions o trabaho ng mga guro sa paaralan at gawing magaan ang workload ng mga ito.


Bahagi ito ng comprehensive education reform agenda na layuning gawing learner-centered at itaas ang resulta ng pagkatuto sa sistema ng edukasyon sa bansa.

Nakasaad din sa panukala ang pagsasailalim sa mga guro sa Continuing Professional Development (CPD) program o mga pagsasanay na hahasa pa sa kanilang kaalaman at kakayahan.

Sa ganitong paraan ay maitataas ang antas ng critical thinking at comprehension ng mga estudyante matapos na manguna sa pinakamababa sa reading comprehension at pumangalawa sa pinakamababa sa math at science ang bansa batay sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA).

Binibigyang pagkakataon din ang mga guro na magturo base sa kanilang expertise gayundin ang pagkakaloob ng scholarship sa mga residente sa malalayong lalawigan upang doon na rin magturo sa kanilang lugar at paglikha ng support administrative staff.

Facebook Comments