Paglulunsad ng Tesla sa bansa, malaking hakbang sa paglaban sa climate change at pagkakamit ng environment-friendly transport system — PBBM

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglulunsad ng Tesla Center Philippines ng kanilang dalawang modelo ng electric vehicle.

Ayon sa pangulo, malaking hakbang ito sa paglaban sa climate change at pagkamit ng environment-friendly transportation system dahil hindi gagamit ng krudo o gasolina kaya aasahan ang malinis na kapaligiran.

Ang pagpasok aniya ng Tesla sa bansa ay nakikitang makatutulong sa sustainable development ng transport system sa pamamagitan ng pagbabawas sa carbon emissions ng mga sasakyan.


Ito ay alinsunod sa comprehensive roadmap for the electric vehicle industry na layuning makamit ang 50 percent electric vehicles market share sa bansa pagdating ng 2040.

Bukod dito, mapalalakas din umano ng Tesla ang workforce at ang bawat kukunin nilang manggagawang Pilipino ay maituturing na investment sa Filipino talent, tungo sa paghuhulma ng bagong henerasyon na may kaalaman sa sustainable technologies.

Umaasa ang pangulo na matutuloy ang planong expansion ng Tesla sa bansa at magtayo ng kanilang planta para gumawa ng electric vehicles.

Facebook Comments