
Umaasa sina 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez at House Assistant Majority Leader Rep. Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur na didinggin ng Senado ang pagnanais ng mayorya ng mga Pilipino na simulan na ang impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.
Pahayag ito nina Gutierrez at Adiong makaraang lumabas sa survey ng Tangere na 73% ng mga Pilipino ang nais makitang humarap si Duterte sa impeachment trial.
Giit ni Gutierrez, na kabilang sa 11-man House Prosecution Panel, dapat agad na magsagawa ng pagdinig ang Senado sa impeachment case laban sa bise presidente alinsunod sa atas ng Konstitusyon.
Sinabi naman ni Adiong, ang resulta ng survey ng Tangere na nagpapahayag ng opinyon ng publiko ay umaayon sa nakasaad sa Konstitusyon na hindi dapat maantala ang impeachment trial.
Gayunpaman, nilinaw naman ni Adiong na susunod ang Kamara partikular ang prosecution team sa timeline na itatakda ng Senado bilang impeachment court.