Pagpanaw ni FEJODAP President Zenaida Maranan, isang panggising sa kunsensya ng LTFRB ayon sa LTOP

Magsilbi sanang panggising kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra III ang pagpanaw ni Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) President Zenaida Maranan.

Ayon kay Liga ng Transportasyon sa Pilipinas (LTOP) President Orlando “Ka Lando” Marquez, labis na silohikal na tensyon ang inabot ni Ka Zeny dahil sa kalunos-lunos na sitwasyon ng mga miyembro na namamalimos na makatawid lamang sa gutom.

Aniya, nagkausap pa sila ni Maranan ilang araw bago ito pumanaw at naidaing nito ang matinding stress.


Naghihimutok si Marquez dahil makakabalik na sana sa paghahanapbuhay ang marami sa jeepney operators pero dismayado sila dahil mga bus na ang bumibiyahe sa kanilang dating mga ruta.

Nagbabala si Marquez na baka hindi na mapigilang mag-alboroto ang hanay ng jeepney na hindi na alintana ang takot sa COVID-19 at sa labis na kagutuman.

Hinikayat ni Marquez si Delgra na i-review na ang mga ruta at huwag nang hintayin na mayroon pang bawian ng buhay sa hanay ng mga jeepney operator.

Facebook Comments