
Iginiit ng isang miyembro ng house prosecution team na si Iloilo Representative Lorenz Defensor na labag sa konstitusyon at tiwala ng mamamayan ang pagpapabalik ng Senate impeachment court sa Kamara ng articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Diin ni Defensor, malinaw sa saligang batas na hindi opsyon na ibalik sa Kamara ang impeachment case laban sa Bise Presidente.
Paliwanag ni Defensor, malinaw ang nakasaad sa konstitusyon na ang aksyon lang na dapat gawin ng Senate Impeachment Court ay magsagawa ng paglilitis at magpasya kung abswelto o convict si VP Sara.
Dagdag pa ni Defensor, sa ginawa ng mga senador na syang mga judge sa impeachment court ay hindi lamang ang prosecution ang apektado, dahil ito ay pagbalewala rin sa desisyon ng 215 na mga kongresista na bomoto pabor sa pagpapa-impeach kay VP Duterte.