Pagpapadalo kay resigned Cong. Zaldy Co sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, hihilingin; Co, posibleng matulad kay Alice Guo kapag hindi sumipot sa imbestigasyon

Hihilingin ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa Senate Blue Ribbon Committee na imbitahan si resigned Congressman Zaldy Co sa susunod na pagdinig tungkol sa mga maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Dela Rosa, susulat siya kay Blue Ribbon Committee Chairman Ping Lacson para paharapin sa susunod na pagdinig ang kongresista at kumpiyansang hindi na nila malalabag ang inter-parliamentary courtesy dahil hindi na nito sakop si Co matapos na magbitiw sa Kamara.

Sinabi pa ni Dela Rosa na hindi lang siya sa oposisyon ang interesadong mapaharap si Co kundi pati ang mga senador sa mayorya dahil batid naman na siya ang isa sa palaging nababanggit sa mga ghost flood control projects.

Sumipot man o hindi si Co na napabalitang nasa ibang bansa pa rin ngayon, maaari naman siyang isyuhan ng warrant of arrest ng Senado tulad sa ginawa noon kay Alice Guo na napilitang bumalik ng bansa matapos mahuli sa bisa ng warrant at humarap sa imbestigasyon ng Mataas na Kapulungan.

Sinabi pa ni Sen. Bato na kung gusto talagang harapin ni Co ang Senate Blue Ribbon Committee at sagutin ang mga alegasyon sa kanya ay uuwi at uuwi ito ng bansa.

Hindi naman papayag si Dela Rosa na virtual o online lang haharap si Co sa pagdinig dahil hindi nila ito maco-contempt sakaling magsinungaling.

Facebook Comments