PAGPAPALAKAS SA SEKTOR NG AGRIKULTURA, ISINUSULONG NG 3 SENATORIABLES

CAUAYAN CITY – Tatlong kandidato sa pagka-senador ang nagbahagi ng kanilang mga plano upang palakasin ang sektor ng agrikultura sa bansa sa kanilang pagbisita sa Lungsod ng Cauayan ngayong araw ika-21 ng Enero.

Ayon kay Benhur Abalos, iminungkahi nito ang pagpapalawak ng crop insurance upang masaklaw ang mga high-value crops. Ang layunin ay mapataas ang ani at kita ng mga magsasaka, habang binibigyan sila ng mas matibay na proteksyon laban sa mga kalamidad at iba pang panganib.

Binanggit naman ni Francis Tolentino ang kahalagahan ng pagtutok sa mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang ani. Sinabi rin niya na kahit babaan ang taripa sa ilalim ng Rice Tariffication Law, dapat tiyakin na mas malaki pa rin ang benepisyong napupunta sa mga magsasaka upang sila ay hindi mapag-iwanan.


Isinusulong naman ni Manny Pacquiao ang isang Production, Distribution, and Consumption (PDC) system, kung saan ang gobyerno ang bibili ng mga ani ng mga magsasaka. Ayon sa kanya, makatutulong ito upang maalis ang problema ng mga magsasaka sa paghahanap ng pamilihan para sa kanilang ani.

Bukod dito, mababawasan ang pagtaas ng presyo ng agrikulturang produkto dahil sa mga gastusin sa transportasyon, na pabor din sa mga konsyumer.

Ang kanilang mga mungkahi ay naglalayong tugunan ang matagal nang suliranin ng sektor ng agrikultura, partikular ang kita ng mga magsasaka.

Facebook Comments