Pagpapalawak at transparency sa paggamit ng special education fund, isinusulong ng isang senador

Itinutulak ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagpapalawak at transparency sa paggamit ng Special Education Fund (SEF).

Tinukoy ng senador ang Commission on Audit (COA) 2023 report kung saan ang milyon-milyong piso na alokasyon para sa pagpapahusay ng public education sa Metro Manila ay hindi nagamit o di kaya ay hindi nagastos ng wasto ng ilang mga LGUs.

Sa ilalim ng pinalawak na paggamit ng SEF, isasama na rito ang pondo para sa sweldo ng mga guro at non-teaching personnel sa mga pampublikong paaralan, sahod ng mga preschool teachers, honorarium at allowances para sa dagdag na serbisyong ibinibigay sa labas ng regular na oras ng klase, capital outlay para sa mga preschool, pagpapatakbo at pagpapanatili ng mga programa sa Alternative Learning System (ALS), at iba pa.


Sa ginawang pagaaral ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), umabot sa P15 billion ang halagang hindi nagamit sa SEF mula 2018 hanggang 2022 at batay naman sa Bureau of Local Government Finance ilan sa mga dahilan ng underutilization sa pondo ang mga isyu sa procurement at mga limitasyon sa kung saan ito maaaring gamitin.

Oras na maisabatas, minamandato ang mga local school boards na magkaroon ng transparency board at web portal na magbibigay ng ulat o impormasyon sa mga sumusunod; aktwal na koleksyon at paggamit ng SEF sa isang budget year; quarterly reports ng kita, gastos at balanse ng SEF; aktwal na kita at gastos sa SEF noong nakaraang fiscal year; at schedule ng pagpapatayo ng silid-aralan sa ilalim ng school building program.

Facebook Comments