
Suportado ng mga nagtitinda ng gulay sa Mega Q Mart ang planong pagpapataw ng Maximum Suggested Retail
Price o MSRP sa imported na bawang.
Ito ay matapos na sabihin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na sobra-sobra ang kita ng mga importer ng bawang at marami sa kanila ang hindi nagdedeklara ng tama sa ini-import na bawang.
Sa pagtaya ni Sec. Tiu Laurel Jr., dapat nasa P100 hanggang P110 kada kilo lang ang bentahan ng bawang.
Sa mismong monitoring ng Department of Agriculture (DA), ang bentahan ng imported na bawang sa mga palengke, umaabot ng P150 hanggang P200 kada kilo.
Ayon sa ilang mga nagtitinda, malaking bagay kung bababa ang presyo ng kada kilo ng bawang dahil sa lahat ng lutuin ay halos hinahaluan ng bawang.
Sabi ng mga nagtitinda ng gulay, ang puhunan anila sa kada kilo ng bawang ngayon ay nasa P130.
Samantala, nananatili namang mataas ang presyo ng lokal na bawang na naglalaro sa P400 hanggang P500 ang kada kilo ito ay dahil sa limitado lamang ang suplay sa bansa.