
Posibleng matagalan pa ang pagtatayo ng mga permanenteng evacuation center sa bansa.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) Spokesperson Dir. Chris Noel Bendijo, nabalangkas at naaprubahan na ang implementing rules and regulations ng Ligtas Pinoy Centers Act.
Kasunod nito ay magsusumite na ang mga lokal na pamahalaan ng mga lokasyon kung saan itatayo ang evacuation centers.
Aminado si Bendijo na may katagalan ang implementasyon nito kaya baka maging bahagi pa ng 2026 budget.
Susuriin pa kasi aniya ang mga tutukuying lokasyon gamit ang mga teknolohiya ng science-based agencies gaya ng Department of Science and Technology (DOST) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) Mines and Geosciences Bureau dahil magkakaiba ang risk assessment ng bawat lugar.
Gayunpaman, tiniyak ng OCD na patuloy na tinatrabaho ng pamahalaan ang pagpapatayo ng mga permanenteng evacuation center alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.