
Natalakay sa pulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang tungkol sa implementasyon ng adjusted government hours sa mga local government unit (LGU).
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes, inilatag nila sa Pangulo ang mga benepisyo kung magiging 7am hanggang 4pm ang trabaho, kahit na limitado pa ito sa mga city halls.
Pero sa ngayon ay wala pang go signal si Pangulong Marcos patungkol sa nasabing mungkahi.
Naniniwala naman si Artes na kailangan pang magsagawa ng masusing pag-aaral at konsultasyon tungkol dito para mas mapalawak pa ang implementasyon ng sistema.
Mahalaga ring makuha ang karanasan ng iba’t ibang ahensya at ng publiko na nakikipag-transaksiyon sa mga LGU para maging mas inclusive ang datos na makakalap alinsunod sa kautusan ni Pangulong Marcos Jr.
Inaasahang sa mga susunod na buwan ay ipagpapatuloy ang masusing pag-aaral at konsultasyon para mas mapalawak ang programa at mapakikinabangan ng publiko.