
Inaasahan ng Malacañang na maging bukas ang mga nanalong kandidato sa pagtataguyod ng programa ng gobyerno para sa taumbayan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, wala silang nakikitang magiging problema sa pagpapatupad ng P20 kada kilo ng bigas sa mga lugar na hindi kaalyado ng administrasyon ang nanalo sa katatapos lang na Halalan.
Matatandaang sa Cebu unang ipinatupad ang pagbebenta ng murang bigas dahil suportado umano ng lokal na pamahalaan doon.
Nitong Halalan, natalo si incumbent Governor Gwen Garcia ng kandidatong dinala ng mga Duterte na si Governor-elect Pamela Barcuatro.
Hindi naman nababahala rito ang Palasyo dahil sabi ni Castro, ang serbisyo ng pamahalaan ay para naman sa taumbayan sinuman ang nakaluklok na opisyal.
Kaugnay nito, inanunsyo ni Castro na kahapon ay nagsimula na rin ang pagbebenta ng P20 bigas sa Metro Manila sa pamamagitan ng Kadiwa Centers.
Bukas naman anya ay magiging available na rin ito sa iba pang Kadiwa Centers sa ilang lalawigan partikular sa Bulacan, Cavite, Mindoro at Rizal.