Pagpatay sa election officer at kanyang asawa sa Datu Odin Sinsuat, personal na alitan at walang kinalaman sa politika —PNP

Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na walang kinalaman sa eleksyon ang pagpatay sa isang election officer at sa kanyang asawa sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte kamakailan.

Una nang pinaghinalaan na may kaugnayan sa eleksyon ang insidente, lalo’t kabilang sa “area of concern” ng Commission on Elections (Comelec) ang nasabing lugar.

Ngunit sa isinagawang inter-agency command conference kahapon, sinabi ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil na personal na alitan ang naging motibo sa krimen.

Tumanggi naman itong magbigay ng karagdagang detalye.

Samantala, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ang ganitong mga insidente ang dahilan kung bakit nagiging maingat ang komisyon sa pagdedeklara ng Comelec control sa isang lugar.

Aniya, hindi ito simpleng desisyon dahil malaking adjustments ito sa latag ng seguridad mula sa Armed Forces of the Philippines at Pambansang Pulisya.

Facebook Comments