
Pinamamadali ni Public Works and Highways Sec. Vince Dizon ang pagsasaayos ng iba pang pumping equipment sa Bacog Daanghari Pumping Stations sa Navotas City.
Ito’y upang mas mapabilis pa ang operasyon ng pumping stations na malaking tulong upang mahigop ang tubig-baha.
Nabatid na isa sa mga makina ng pumping stations ay nagkaproblema bunsod ng basurang bumara sa makina nito.
Kaugnay nito, nagpadala agad ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng dalawang mobile pumping stations para makatulong sa nag-iisang makinang gumagana sa naturang operasyon upang hindi agad masira.
Bukod dito, nais ng kalihim na madagdagan pa ang mga makina ng pumping station, kung saan kinakailangan ay may malaking kapasidad para maging mabilis ang paghigop o pagdaloy ng tubig.
Makikipag-ugnayan ang DPWH sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para hilingin ang karagdagang makina na tutulong sa nasabing pumping stations upang maiwasan ang pagbaha.










