Friday, March 13, 2026

Pagsuko sa Kalayaan Island Group at sa alinmang teritoryo ng bansa, hindi dapat payagan ayon sa isang senador; Sen. Marcoleta, nagpaliwanag sa isyu

Iginiit ni Senate Majority Leader Migz Zubiri na hindi dapat pumayag ang mataas na kapulungan na isuko ang Kalayaan Island Group (KIG) at kahit katiting na teritoryo ng Pilipinas.

Punto ng senador, malinaw na bahagi ito ng teritoryo ng Pilipinas na nakapaloob sa ilalim ng Konstitusyon, ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at pinagtibay pa ng arbitral ruling noong 2016.

Maliban dito, nagpasa rin ng dalawang batas noong 19th Congress kung saan mas lalong pinagtibay ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea (WPS) at sa Kalayaan Island Group.

Tinukoy pa ni Zubiri na may mga aktwal na Pilipino at mga komunidad ng ating mga kababayan ang nakatira sa mga nabanggit na lugar kaya obligasyon ng gobyerno na ipaglaban ang lugar na ito.

Samantala, nagpaliwanag naman si Senator Rodante Marcoleta sa plenaryo tungkol sa naging pahayag niya sa interpelasyon kaugnay sa Kalayaan Island Group na aniya’y nagkaroon ng misconception sa pagkakaunawa sa West Philippine Sea at sa Exclusive Economic Zone ng bansa.

Paglilinaw ni Marcoleta, nais lamang niya ipabatid ang pagkakaiba ng WPS at EEZ lalo’t may mga isla tayo na nasa labas ng 200 nautical miles na sakop ng bansa.

Facebook Comments