Muling pinaalalahanan ng Land Transportation Office (LTO) San Carlos City ang publiko na tiyaking nasa maayos at ligtas na kondisyon ang kanilang mga sasakyan bago bumiyahe, gayundin ang paghawak ng wastong lisensya.
Binigyang-diin ng ahensya na hindi dapat payagang magmaneho ang mga walang lisensya, lalo na ang mga menor de edad at mga hindi pa kwalipikadong driver.
Batay sa datos ng tanggapan, kabilang umano ang mga kabataan na walang lisensya sa madalas masangkot sa vehicular accidents.
Kaugnay nito, naglunsad ng libreng pagkuha ng Theoretical Driving Course (TDC) ang LTO San Carlos City, na isa sa mga pangunahing requirements sa pagkuha ng driver’s license.
Kasabay nito, muling ipinaalala ng LTO ang mga kaukulang multa at parusa sa mga paglabag sa batas trapiko.
Kabilang dito ang multang ₱10,000 para sa mga hindi rehistradong sasakyan, ₱5,000 para sa mga sasakyang may depektibong bahagi, at ₱2,000 para sa reckless driving.
Ang mga mahuhuling nagmamaneho naman nang walang lisensya o may hindi angkop na lisensya ay papatawan ng multang ₱3,000 at maaari ring masuspinde ang kanilang lisensya sa loob ng isang taon.
Giit ng LTO, nararapat na tiyaking napapanahon ang pagpaparehistro ng mga sasakyan at motorsiklo isang beses kada taon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








