Pagtatayo ng mga permanenteng evacuation centers sa Negros kasunod ng pagputok ng Bulkang Kanlaon, iniutos ni PBBM

Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Task Force Kanlaon at mga lokal na pamahalaan sa Negros Island ang pagbuo ng plano para sa pagtatayo ng mga permanenteng evacuation centers kasunod ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.

Ayon sa Pangulo, maaaring gamitin ang hazard map ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) para matukoy ang mga lugar na ligtas na pagtayuan ng evacuation center.

Pinatututukan din ng Pangulo ang pagbuo ng pangmatagalang plano at recovery, gaya ng relokasyon, para masigurong hindi na babalik ang mga lumikas na residente mula sa loob ng 4-kilometer danger zone.

Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na hahanapan ng pondo ang mga lokal na pamahalaan na naubusan na ng quick response fund (QRF).

Kaugnay nito, sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Administrator Ariel Nepomuceno, may inaprubahan nang ₱112 bilyong halaga ng assistance mula sa kanilang QRF na ipamamahagi para sa maintenance at pagkain ng mga bayang apektado ng Kanlaon.

Kahapon ay nasa La Carlota, Negros Occidental ang Pangulo para bisitahin ang isang evacuation center, bago tumulak sa campaign rally ng Alyansa sa Bagong Pilipinas sa lungsod ng Victorias.

Facebook Comments