Pagtugon sa mga reklamo sa iba’t-ibang proyektong pang imprastraktura, tututukan ni DPWH Sec. Dizon

Pinag-aaralan at isa-isang tinitingnan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga reklamong ipinaaabot hinggil sa mga nakabinbin o kuwestyunableng mga proyekto.

Ito ang sinisiguro ni DPWH Sec. Vince Dizon kaugnay sa mga sumbong na natatanggap sa gitna ng imbestigasyon sa flood control projects at iba pang proyekto.

Kasama na dito ang reklamo ng mga alkalde sa Cagayan na nagtungo sa DPWH para personal na idulog ang mga hinaing.

Kabilang dito ang sumbong ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting Que na humantong sa pagpapatigil ni Sec. Dizon sa lahat ng road reblocking projects.

Kasama naman sa hiling ni Que ang pagsibak sa 3rd District Engineer ng Cagayan na hanggang ngayon ay bigo umanong tugunan ang reklamo nila sa ilan taon nang naantalang pagpapatupad ng mga proyekto.

Kabilang din sa nagsumbong sa DPWH ang mga alkalde ng Enrile at Iguig sa Cagayan.

Nagpapatulong din si Alcala, Cagayan Mayor Tin Antonio para imbestigahan ng DPWH ang mga proyektong nakuha ng kumpanyang pag-aari ng pamilya ni Cagayan 3rd District Rep. Jojo Lara kumg saan nauna nang itinanggi ng kongresista na ginamit niya ang posisyon para makinabang o makakuha ng kontrata ang kumpanya ng pamilya.

Facebook Comments