
Handa ang Department of Justice (DOJ) na umaksyon sakaling may magsampa ng reklamo laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay ito sa mga naging pahayag ni Duterte sa proclamation rally noong nakaraang linggo ng kaniyang mga kaalyadong tumatakbo sa pagka-senador.
Sinabi kasi ng dating pangulo na dapat pumatay ng 15 senador para mabakante at makapasok ang kaniyang mga pambato at magagawa lamang umano ito sa pamamagitan ng pagpapasabog.
Sa ambush interview, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na titingnan pa kung maaaring magsagawa ng motu proprio investigation ang National Bureau of Investigation (NBI) dito.
Sa kabila niyan, iginiit ni Remulla na tila sanay na rin naman ang marami sa ganitong lenggwahe ng dating pangulo.
Pero kung may senador daw na maghahain ng reklamo ay aaksyon ang kagawaran lalo na’t sila ang nalagay sa panganib sa ganitong pahayag.