
Hinimok ng Malacañang ang mga tsuper na makiisa sa Road Safety Campaign ng Department of Health (DOH) para maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang kampanya ang tugon sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na paigtingin ang kaligtasan sa transportasyon, kasunod ng banggaan ng bus sa Tarlac at aksidente na kinasangkutan ng isang SUV sa Ninoy Aquino International Airport noong mga nagdaang buwan.
Sa ilalim ng kampanya, may libreng medical check-up, mental health support, seminar, at road safety simulations sa mga tsuper para maiwasan ang trahedya sa kalsada.
Target nitong maibaba ang bilang ng namamatay sa aksidente, na umaabot aniya sa 12,000 kada taon o 33 tao kada araw.
Bukod dito, pinakilos na rin ni Pangulong Marcos ang Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Labor and Employment (DOLE), at maging ang UNICEF na tumutok sa kaligtasan ng mga batang naglalakad sa lansangan.