Pamahalaan, pinaigting pa ang kampanya kontra rent-tangay at staycation scam ngayong Holy Week

Pinaigting pa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kampanya laban sa iba’t ibang modus ngayong Holy Week tulad ng “rent-tangay” at staycation scam.

Sa Malacañang press briefing, iniulat ni PNP PIO Chief Police Colonel Randuf Tuanio na 1% sa naitalang crime incidents sa bansa ay mga insidente ng rent tangay o technical carnapping.

Bukod dito, nagbabala rin ang PNP sa paglaganap ng staycation online scam kung saan ini-engganyo ang publiko sa murang staycation pero pagdating sa lugar ay walang bakante.

Paalala naman ni PNP Police Community Relations Director Police Major General Roderick Augustus Alba, tumawag muna sa mga hotel o katulad na establisyemento para makumpirma ang booking schedule bago magbayad online.

Mas mainam din aniya na mag-save ng hotline numbers ng Highway Patrol Group, mga police stations, o PNP Anti-Cybercrime Group hotline para makapagsumbong agad kung may mararanasang ganitong uri ng modus.

Facebook Comments