Pambabastos ng dayuhan sa mga Pilipino sa sariling bansa, hindi papayagan ni PBBM

Hindi papayagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na bastusin ng mga dayuhan ang mga Pilipino lalo na kung nandito sa bansa.

Ito ang iginiit ng Malacañang kasunod nang pag-aresto sa Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy dahil sa pangha-harass ng mga Pilipino para sa social media content.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nakarating kay PBBM ang kaso ginawa ng vlogger at may basbas aniya mula sa pangulo ang mabilis na pag-aksyon ng PNP-CIDG at Bureau of Immigration kaya nahuli agad ang dayuhan.

Iginiit ni Castro na bukas ang bansa para sa mga dayuhan at turista, pero hindi naman ito nangangahulugan na may karapatan na silang bastusin at hindi respetuhin ang mga Pilipino.

May obligasyon aniya ang mga ito na sumunod sa mga batas ng Pilipinas habang sila ay nandito sa bansa, lalo na ng mga content creator na dapat alam ang kanilang limitasyon sa paggawa ng mga content sa social media.

Dagdag pa ni Castro, maaaring parusahan ng “persona non grata” ang nasabing vlogger para hindi na makabalik ng Pilipinas, habang posibleng maharap sa “unjust vexation” ang kanyang Pilipinong cameraman dahil sa pagiging kasabwat sa mga insidente.

Poprotektahan aniya ni Pangulong Marcos ang mga Pilipino laban sa lahat ng uri ng harassment at pambu-bully ng mga dayuhan sa Pilipinas.

Facebook Comments