Pambobomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard sa barko ng Pilipinas, dinipensahan ng Chinese Embassy

Dumipensa ang Chinese Embassy sa ginawang pambobomba ng water cannon ng China Coast Guard (CCG) sa barko ng Pilipinas.

Ayon sa Embahada, pumasok umano ang mga barko ng Pilipinas sa adjacent waters sa palibot ng bahura ng China nang walang authorization kung kaya gumawa ng aksyon o law enforcement measures ang Chinese Coast Guard bilang tugon.

Binatikos din ng Embahada ang pagkondena naman ng ilang mga bansa bagkus ay pinayuhan itong alamin muna ang katotohanan bago maglabas ng kanilang statement.

Una nang sinabi ng National Maritime Council (NMC) na nakatakdang gumawa ang gobyerno ng Pilipinas ng diplomatic actions at maritime-capacity building para matiyak ang kaligtasan at pagiging epektibo ng maritime operations ng Pilipinas.

Matatandaang, ilang mga bansa rin ang nagpahayag muli ng pagkabahala sa insidente kung saan naging basehan ng mga ito ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 arbitral ruling na nagpawalang bisa sa pag-aangkin ng China sa West Philippine Sea na nakakasaklaw sa Pag-asa island at nakapaligid sa Sandy Cay kung saan naganap ang pinakabagong pangha-harass ng China laban sa barko ng Pilipinas.

Facebook Comments