
CAUAYAN CITY – Trahedya ang sinapit ng isang 22-anyos na criminology student matapos mabugbog sa isang rambulan na nag-ugat umano sa pagtanggi na magbigay ng sampung piso sa grupo ng mga suspek sa Bontoc, Mountain Province.
Kinilala ang biktima na si Jeffgart Dongpopen, isang estudyante ng criminology, na nasawi noong Abril 8 dahil sa brain herniation syndrome at severe traumatic injuries.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente noong Abril 6 sa isang establisyimentong inuman sa nasabing bayan.
Nagkakasayahan si Dongpopen at ang kanyang mga kaibigan nang nilapitan umano sila ng isa sa mga suspek at humingi ng halagang P10.00.
Dahil sa pagtanggi ng grupo ng biktima, nagkaroon ng mainit na pagtatalo na kalaunan ay nauwi sa pisikal na rambulan.
Sa lakas ng pambubugbog, nagtamo si Dongpopen ng matitinding pinsala na naging sanhi ng kanyang pagkamatay dalawang araw matapos ang insidente.
Samantala, natukoy na ng pulisya ang mga indibidwal na sangkot sa insidente.