
Sumisigaw ngayon ng hustisya ang pamilya ng mga biktima ng human trafficking sa isang online scam hub sa Cambodia.
Sa pulong balitaan,sinabi ni Erlinda Alberica, ina ng isa sa mga biktima, pinag-aaralan na nilang magsampa ng kaso sa mga nag-recruit sa kanilang mga kamag-anak dahil sa mabigat na dinanas ng kanilang anak habang sapilitang pinagtrabaho bilang scammer.
Isinalaysay naman ni Lolita Bacarra na ina ng isa sa mga biktima na hindi umano binigyan ng pagkain at tubig ang kaniyang anak nang humingi ng tulong sa embasiya ng Pilipinas sa Cambodia at hindi rin umano sila binisita ng mga opisyal para alamin kung tino-torture.
Bagama’t nakauwi na sa bansa ang 10 Pilipinong biktima mula Cambodia, kinondena naman ni Migrante International Chairperson Joanna Concepcion ang umanoý palpak na tugon ng pamahalaan sa kaso ng mga biktima dahil tinrato aniya sila bilang kriminal at hindi biktima.
Aniya, hindi dapat isawalang bahala ang hinaing ng mga biktima.
Hinala ng grupo, posibleng bahagi ng malaking sindikato ang mga nag-recruit sa kanila.
Tiniyak naman ng grupo na aalalay sa mga biktima at makikipag-ugnayan rin sa iba pang non-government organizations para mapabigat ang kaso.