Pamilya ng inambush na si Biñan City Council Secretary Edward Reyes, nananawagan ng hustisya

115

Nanawagan ng hustisya ang pamilya Reyes kasunod ng pagpatay kay Binan City, Laguna Council Secretary Edward Reyes.

Nais ng pamilya Reyes na mahuli sa lalong madaling panahon ang mga nasa likod ng pamamaslang.

Si Reyes na pinsan ni House Deputy Majority Leader Marlyn Alonte ay pauwi na at sakay ng kaniyang sasakyan nang harangin ng isang SUV at pagbabarilin ng mga armadong lalaki.

Maliban kay Reyes, nadamay rin sa ambush ang isang doktor na si Don Escaris na nakisakay lamang.

Naisugod pa sana sa ospital ang mga biktima pero idineklarang dead on arrival.

Ayon sa pulisya, si Reyes ang target ng pananambang at nadamay lamang ang doktor na nakisakay dito.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at bumuo ng special investigation task group Edu Reyes.




Ayon naman kay Philippine National Police (PNP) Region 4 Director General Vicente Danao, ilan sa tinitingnang anggulo sa krimen ay pulitika, negosyo, babae at ang posibleng koneksyon sa ilegal na droga.

Nabatid na hindi ito ang unang pagkakataon na tinambangan si Reyes.

Noong October 2017 ay inambush na rin si Reyes pero nakaligtas ito habang nasawi naman ang kaniyang bodyguard.

Facebook Comments