PAMIMILI NG MGA PASAHERO SA LUNGSOD NG CAUAYAN, IPINALIWANAG NG MGA TRICYCLE DRIVERS

CAUAYAN CITY – Ipinaliwanag ng ilang mga tricycle drivers sa Lungsod ng Cauayan ang reklamo kaugnay sa umano’y pamimili nila ng mga pasahero.

Ayon kay Ginoong Ramon, isang tricycle driver, nagiging praktikal lamang umano sila sa kanilang pamamasada. Aniya, tinitimbang nila ang layo ng puluntahan ng pasahero, kanilang gas, at pamasahe.

Ikwinento rin nito na may mga pasaherong malayo ang pupuntahan subalit P20 o P30 pesos lamang ang kanilang ibinibigay na pamasahe, kung saan lugi sila sa kanilang gasolina.

Ayon din sa kasamahan nito sa TODA na si Ginoong Robert, hindi rin sumasapat sa mga gastusin sa bahay ang kanilang kita sa maghapon.

Pahayag nito, kung sa buong maghapon ay may napasadahan silang P500, ilalaan nila sa gasolina ang P200 upang magamit sa pamamasada.

Samantala, hiningi naman nila sa mga pasahero ang kaunting pang-unawa sa kanilang sitwasyon.

Facebook Comments