
Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang panahon ng Pambansang Pagluluksa o National Mourning sa buong bansa para kay Pope Francis.
Sa ilalim ng Proclamation No. 871, iniutos ng pangulo ang pag-half mast ng mga watawat ng Pilipinas sa lahat ng gusali ng pamahalaan sa bansa at abroad simula ngayong araw hanggang sa ilibing ang Santo Papa.
Nakasaad din sa proklamasyon na may natatanging lugar sa puso ng bawat Pilipino si Pope Francis, matapos ang kaniyang Apostolic Visit sa Pilipinas noong 2015 kung saan nagpaabot siya ng pakikiisa sa mga biktima ng Bagyong Yolanda, at pinapurihan ang katatagan ng pananampalataya ng mga Pilipino sa kabila ng mga pagsubok.
Kaya naman ang nagdadalamhati ang mga Pilipino sa pagpanaw ng Santo Papa na kinikilalang lider ng simbahan na may malasakit at tagapagtaguyod ng kapayapaan, katarungan, at dignidad ng tao.