Thursday, September 10, 2026

Pananagutan ng social media platforms sa kaligtasan ng mga bata, isinulong sa Kamara

Isinulong ni Nueva Vizcaya Representative Timothy Joseph Cayton ang pagkakaroon ng pananagutan ng mga social media platforms sa kaligtasan ng mga bata laban sa karahasan at patuloy na banta ng exploitation at trafficking online.

Nakapaloob ito sa inihain ni Cayton na House Bill No. 10760 o panukalang “Social Media Safety for Children Act,” na naglalayong obligahin ang social media platforms na gawing prayoridad ang kaligtasan, privacy at kapakanan ng mga batang gumagamit ng kanilang serbisyo.

Iniuutos ng panukala ang paggamit sa pinakamataas na available privacy at safety settings bilang default para sa mga menor de edad, hihigpitan din ang unsolicited contact mula sa mga adult account, at lilimitahan ang exposure sa content tungkol sa sexual exploitation, suicide, self-harm at matinding karahasan.

Itinatakda rin ng panukala ang 16 taong gulang bilang minimum age para magkaroon ng sariling social media account nang walang parental consent, habang ang edad 13 hanggang 15 ay mangangailangan ng verifiable consent ng magulang o guardian.

Binigyang diin ni Cayton na malaking bahagi na ng buhay ng ating mga anak ang internet at social media kaya kasabay ng pagprotekta sa kanila sa tahanan, paaralan at komunidad, ay kailangan na tiyaking ligtas din ang mundong ginagalawan nila online.

Facebook Comments