PANANAGUTIN | PNP, tiniyak na hindi kukunsintihin ang mga pulis na umano’y nanggahasa ng buntis sa Bulacan

61

Manila, Philippines – Hindi kukunsitihin ng Philippine National Police (PNP) ang anumang maling gawain ng kanilang mga tauhan. Ito ay matapos na ibunyag ng isang buntis sa Bulacan na siya ay ginahasa ang apat na pulis sa lugar na malapit pa mismo sa kanilang ginagawang anti-drug operation. Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Supt. John Bulalacao, nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon sa insidente. Kung mapapatunayan aniyang ginawa ito ng apat na pulis ay mahaharap ang mga ito sa mga kasong administratibo at kriminal na posibleng maging dahilan ng kanilang pagkasibak sa serbisyo. Apela naman ni Bulalacao sa publiko na i-report ang anumang katiwalian ng mga pulis upang agad itong maaksyunan bahagi pa ring ng kanilang internal cleansing program. Sa kwento ng buntis na babae ginahasa sya ng apat na pulis sa harapan mismo ng kanyang dalawang taong gulang na anak sa Barangay Bangkal, Meycauyan, Bulacan. Kinilala ang tatlo sa apat na pulis na sina PO2 Jefferson Landrito, PO1 Marlo Delos Santos at PO1 Jeremy Aquino.

Facebook Comments