Pang. Duterte, nadala na sa pulitika sa Kongreso

Nadala na si Pangulong Rodrigo Duterte sa pulitika sa House of Representatives.

Ito aniya ang maiksing pahayag ng Pangulo hinggil sa gulo ngayon sa mababang kapulungan ng Kongreso dahil sa agawan sa Speakership.

Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, ayaw na ng Pangulo na mangialam pa sa aberya sa Kongreso basta ang mahalaga lang sa Punong Ehekutibo ay maipasa ang 2021 proposed national budget.


Paliwanag ng kalihim, umaasa si Pangulong Duterte na sa pamamagitan ng kanyang Proclamation 1027 o pagpapatawag ng special session sa Kongreso ay maipapasa na ang 2021 national budget para may pantustos sa COVID-19 response.

Giit pa ni Roque, umaasa ang Pangulo na isasantabi muna ng mga mambabatas ang pulitika at kapag naipasa na ang pambansang pondo ay tsaka na sila magdesisyon kung sino ang kanilang magiging House Speaker.

Facebook Comments