
Nasawi ang tinaguriang pangalawang mataas na lider ng lokal na teroristang grupong Dawlah Islamiyah–Hassan Group sa isinagawang operasyon ng militar sa Brgy. Tinimbacan, Banisilan, Cotabato, kahapon.
Kinilala ang nasawing lider na si Emarudin Kulaw na may alyas ding “Alpha King,” dating amir at kalaunan ay nagsilbing sub-leader ng nasabing grupo.
Narekober mula sa suspek, na tinuturing ding high-value individual ng mga awtoridad, ang isang M653 rifle sa isinagawang clearing operations.
Nahaharap sa iba’t ibang kasong kriminal ang nasabing suspek, kabilang ang multiple attempted murder, destructive arson, paglabag sa Anti-Terrorism Act, at double murder, bukod pa sa iba pang kaugnay na krimen.
Kaugnay nito, patuloy ang isinasagawang mga operasyon ng militar sa lugar upang matiyak ang seguridad ng komunidad at maiwasan ang anumang posibleng banta kasunod ng nasabing operasyon.










