PANGASINAN MAY SAPAT NA BIGAS; SUPORTA SA IBANG LALAWIGAN NA NASA FOOD SECURITY EMERGENCY, TINIYAK

Hindi kabilang ang Pangasinan sa mga lugar na nasa ilalim ng food security emergency dahil sa sapat at higit pang suplay ng bigas sa lalawigan.

Ayon sa National Food Authority (NFA)-Pangasinan, handa silang magbigay ng bigas sa mga apektadong lugar sa ilalim ng deklarasyon ng Department of Agriculture (DA).

Sa kasalukuyan, mayroong 460,866 sako ng palay at 26,201 sako ng bigas sa mga bodega ng NFA sa Pangasinan.

Ayon kay Shoreen Manglinong, Acting Assistant Branch Manager ng NFA-Pangasinan, ang kanilang opisina ang magsusuplay ng bigas sa mga lalawigang nangangailangan.

Ibebenta ng NFA ang bigas sa mga local government unit (LGU), government-owned and controlled corporations (GOCC), at iba pang ahensya ng gobyerno sa halagang P33 kada kilo, habang ang mga mamimili ay maaaring bumili nito sa P35 kada kilo.

Sa susunod na anim na buwan, nakatakdang ipamahagi ang 150,000 metric tons ng bigas sa buong bansa, ngunit maaaring magbago ang tagal ng distribusyon depende sa galaw ng presyo sa merkado. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments