
Nadagdagan pa ang mga “floating shabu package” na natagpuan sa katubigan sa Cagayan.
Panibagong 15 plastic packs ng shabu ang nakita ng mga mangingisda sa karagatang sakop ng Babuyan Island at Gonzaga.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, agad na itinurn over sa awtoridad ang nakitang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱102 million.
Bukod dito, may nakita rin na 400 grams ng floating shabu na may market value na ₱2.7 million sa bahagi ng Camiguin Island at Cape Engaño sa Barangay San Vicente, Sta. Ana, Cagayan.
Nito lamang nakaraang linggo, aabot sa ₱321.8 million ang halaga ng shabu na nakita ng mga mangingisda sa coastal areas sa Cagayan, maliban pa sa ₱6.8 million na shabu sa Pagudpud, Ilocos Norte.
Bunsod nito, nagbigay na ng direktiba si Pangulong Bongbong Marcos sa Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) na mas hinigpitan pa ang pagbabantay sa mga major entry points sa bansa na posibleng pagpasukan ng iligal na droga.