PANLOLOOB SA ISANG WAREHOUSE SA TUGUEGARAO, NAKUNAN NG CCTV

19
Nakunan sa CCTV ang ginawang panloloob at pagnanakaw sa isang warehouse sa Tuguegarao City kamakailan.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan sa Cagayan Provincial Information Office, isang indibidwal umano na nakasuot ng personal protective equipment (PPE) ang umakyat sa bubong ng warehouse at ginupit ang yerong bubungan at gumamit ng lubid upang makababa at makapasok.

Ayon sa PNP Tuguegarao, agad na tinungo ng magnanakaw ang vault sa loob ng opisina at pwersahang binuksan ito at tinangay ang perang nakatago.

Ginamit pa uli ng suspek ang tali upang makaakyat at tumakas sa crime scene.

Matatandaan na natangay ang mahigit kalahating milyong piso (500,000) koleksyon ng HUWA Integrated Sales Incorporation Warehouse sa Maharlika Highway, Barangay Larion Alto, Tuguegarao City, Cagayan.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng Tuguegarao City Police Station (TCPS) sa kaso ng panloloob sa naturang kumpanya.

Facebook Comments