
Inaprubahan ng Senado ang House Bill 10841 na layong bigyan ng tatlong taong fixed-term ang Office of the Philippine Coast Guard Commandant.
Sa botong 21 na sang-ayon at wala namang pagtutol ay tuluyang inadopt ng mataas na kapulungan ang bersyon ng panukala ng Kamara.
Ayon kay Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada, makakatulong ang panukala para epektibong magampanan ng commandant ang kanyang tungkulin at makapaglalatag na rin ng mga mahahalagang desisyon, reporma at estratehiya na may matagalang epekto sa bansa.
Sinabi naman ni Senator Sherwin Gatchalian na ang 3-year fixed term sa commandant ng Philippine Coast Guard (PCG) ay magbibigay ng katatagan sa leadership ng ahensya at mas matututukan na ang mga long-term programs at reporma sa PCG.
Tinukoy naman ni Senator Raffy Tulfo ang kahalagahan na mapanatili ang continuity ng leadership sa PCG lalo ngayong pangunahin itong humaharap sa banta, pambubully at pangha-harass ng China sa West Philippine Sea.
Dagdag naman ni Senator Joel Villanueva na kinikilala ng panukalang ito ang critical role ng PCG sa pagbabantay at pagbibigay seguridad sa ating mga borders gayundin ang mahalaga ring papel para labanan ang human-trafficking, smuggling at pagtakas ng mga pugante na idinadaan sa ating mga karagatan.