
Nananawagan si Bohol 3rd District Rep. Kristine Alexie Tutor kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sertipikahan bilang urgent ang House Bill 833 o panukalang Disasters and Emergencies Management Act.
Apela ito ni Tutor kay Pangulong Marcos kasunod ng malakas na lindol na tumama sa bahagi ng Mindanao kahapon.
Layunin ng panukala na mapahusay ang kakayahan ng bawat lungsod at munisipalidad na rumesponde agad at makabangon sa anumang kalamidad, lalo na sa mga lindol, bagyo, tagtuyot, sunog, at epekto ng El Niño.
Pangunahing itinatakda ng panukala ang pagbibigay ng kaukulang benepisyo sa mga kawani ng barangay na unang rumiresponde tuwing may kalamidad at ang pagpapalakas sa Local Disaster Risk Reduction and Management Office.
Binigyang-diin ni Tutor na kapag mas mabilis at mas epektibo ang mga hakbang o pagtugon ng lokal na pamahalaan sa panahon ng kalamidad, mas maraming buhay ang maililigtas.










