
Inihain ni Bagong Henerasyon Party-list Rep. Robert Nazal ang House Bill No. 8338 o panukalang Fuel Price Stabilization and Targeted Excise Relief Act.
Itinatakda ng panukala ang awtomatikong suspensyon o pagbawas sa excise tax sa produktong petrolyo sa tuwing may hindi pangkaraniwang pagtaas sa pandaigdigang presyo ng langis.
Kasabay nito ay inihain din ni Nazal ang House Resolution No. 851 na nananawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang mga panukalang batas na layuning suspendehin o tapyasan pansamantala ang excise taxes sa gasolina at diesel o bawasan ang value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo.
Hakbang ito ni Nazal sa harap ng kaguluhan sa Gitnang Silangan na nakakaapekto sa suplay ng langis at pagtaas sa presyo nito na tiyak magpapataas din sa presyo ng kuryente at mga bilihin.
Ipinunto ni Nazal na bagama’t mahalaga ang excise tax bilang pinagkukunan ng pondo ng pamahalaan ay nananatili itong buo kahit na may matinding pagtaas sa pandaigdigang presyo ng krudo.
Batay sa panukala ni Nazal ay magkakaroon ng calibrated mechanism para magbigay ng ginhawa sa kasagsagan ng lubhang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.










